top of page

TUNAY NA KWENTO NI MANG TOMAS


Pagdating sa kainan, hindi magpapahuli ang mga Pinoy. Isa na sa hindi mawawalang putahe sa mga engrandeng handaan ay ang lechon. Pero alam niyo ba na hindi niyo na kailangang dumayo pa ng Cebu para makatikim ng isa sa mga pinagmamalaking pagkain ng Pilipinas?



Ang La Loma sa Quezon City ay tinaguriang Lechon Capital of the Philippines. Sa dami ng mga nakahelerang lechon dito, hindi ka magtataka kung bakit nga ba ito nagkaroon ng ganiyang titulo pero hindi lang masasarap na lechon ang dinarayo rito. Dinarayo rin dito ang Lechon Festival na ginaganap tuwing ikatlong Linggo ng Mayo, at dahil sa talentong taglay ng mga Pilipino, hindi magpapakabog ang mga may-ari ng mga tindahan ng mga lechon dito pagdating sa parada. Sari-saring palamuti at iba't ibang costume ang mga isinusuot sa mga lechon. Hindi maipagkakaila na isa ito sa pinaghahandaan at inaabanagan ng mga taga-rito.



Isa sa mga kilalang tindahan dito sa La Loma ang Mang Tomas Native Lechon. 1952 nagsimulang magtinda si Mang Tomas ng Lechon dito sa La Loma at isa sa pinakakilalang lechonero rito, pero hindi naging dahilan ang pagpanaw niya para isara ang kanilang tindahan. Ipinagpapatuloy ng kaniyang biyenan na si Corazon Delos Reyes at ang anak nito na si Ariel Delos Reyes ang kanilang negosyo. Limang libo hanggang sampung libo ang presyo ng kanilang lechon depende sa laki, at dahil sa sarap nito, umaabot ng sampung baboy ang kanilang naibebenta sa normal na araw, at dalawampu naman kung Sabado o Linggo. Hindi maipagkakaila ang sarap ng kanilang lechon, dahil sa amoy pa lang nito ay matatakam ka na. Pero hindi lang sila kilala dahil sa kanilang lechon, pati na rin sa sarsa nila na hanggang ngayon ay tinatangkilik natin.


TRIVIA: Alam niyo ba na ang paborito nating sawsawan na Mang Tomas ay nagmula sa kanila?


Pinaghalo-halong atay ng baboy, suka, tubig, breadcrumbs at sikretong sangkap ang matamis at malapot na sarsa ng Mang Tomas. Sa sarap ng kanilang sarsa, ginagamit natin itong sawsawan mapa-manok man o baboy. Pero ayon sa isa sa kanilang tauhan, mas masarap pa rin ang timpla ng kanilang sarsa kaysa sa mga nabibili natin sa mga groceries dahil home-made ito at walang preservatives. Sabi nga nila, isa sa mga nagpapasarap sa lechon ay ang sarsa. Nakakagutom isipin!


Kaya sa susunod na handaan, ilagay niyo na ito sa listahan ng kailangan niyong puntahan para sa masasarap na lechon!



by Juvie Anne A. Castres




Related Posts

See All
Featured Posts
recent posts
search by tags
No tags yet.
bottom of page