TGIF: CHILLNUMAN IN THE HOUSE!
Ang "chillnuman" o chill na inuman ang isa sa mga pangyayaring hindi pwedeng palagpasin lalo na ng magbabarkada. Madalas, ito ay nangyayari tuwing kinsenas at katapusan dahil may sweldo, tuwing pagkatapos ng trabaho, o kaya naman ay kapag tapos na ang klase (para sa mga estudyante). Ito rin ay pwedeng gawin bilang selebrasyon dahil sa accomplishment ng isa sa magto-tropa o kaya naman ay kung may ispesyal na okasyon. Ang chillnuman ay pwedeng gawin sa mga bar at club pero mas masaya kapag sa bahay lang at makakatipid ka pa.
Kapag may chillnuman, mas napatatatag ang pagsasamahan ng mga magkakaibigan at ang ating social relationship. Kapag nga may pista, sinisimulan na ng iba ang pag-inom ng alak ng alas-sais ng umaga at madaling araw na kung matapos, minsan pa nga'y nagtatagal ng ilang araw dahil sa sobrang sarap ng kuwentuhan at dahil sa pagka-miss ng mga dating samahan. Masama man sa atay ay hindi pa rin ito natitigilan.
Syempre, dahil nga sa inuman, ang star-of-the-night ay ang alak- beer, vodka, soju, rum at kung anu-ano pa- at idagdag mo na rin ang masasarap na pulutan. Hindi man (masyadong) kilala bilang mga manginginom ang mga Pinoy hindi tulad ng mga Pranses at Russians, marami tayong alam na mga timpla at dito rin minsan naipalalabas ang ating pagkamalikhain at lumalabas ang mga bartender in the making.
Dahil diyan, magbibigay ang Busogeños ng mga timpla na swak sa mga panlasa pero mag-ingat ka dahil traydor ang iba gaya ng syota mong naghanap ng iba.
1. TUJIN
1 - gin bilog
1 - c2 solo
Maraming yelo
Hindi basta-basta ang paghalo ng c2 at gin dahil kinakailangan dito ang matinding konsentrasyon. Dapat mong pagpatungin ang dalawang bukana at hintayin hanggang sa tingin mo ay pantay na ang pagkakahalo. Isa-isang shot lang para hindi ka tamaan kahit may tama ka na.
2. POMGIN
1 - Gin Bilog
1 - Tang Pomelo
Maraming yelo
Timplahin ang Tang Pomelo sa 1L na tubig pagkatapos ay ihalo ang gin. Lagyan ng yelo ang pitcher at viola! May pomgin ka na!
3. TRAYDOR
1L - GSM Blue (1Liter)
1 - Tang Pomelo
1 - Tang Orage
Maraming Yelo
Timplahin ang Tang Pomelo at Tang Orange sa 1L na tubig (kung gusto ng mas marami, ok lang. Huwag lang umabot ng 2L). Pagkatapos ay ihalo na ang GSM Blue. Tip lang, huwag gawing juice ang halong ito dahil hindi mo mamamalayan na tinatraydor ka na. Bakit traydor? Tanungin niyo ang kaibigan ko.
4. BLUE CHILLER
1L - GSM Blue
1L - Sprite/7Up
350 mL - Gatorade Blue
Maraming yelo
Paghaluhaluin lang ang lahat ng ingredients at i-enjoy ang isang malamig na inuming may lakas na hindi mo susukuan.
Kapag may chillnuman, dapat may pulutan para mas mapatagal ang kuwentuhan pero ilayo 'to sa mga tirador at ginagawa ang pulutan bilang merienda lang. Ang mga bibigay ng Busogeños ay para sa mga nagtitipid ang bulsa pero hindi sa lasa.
1. TOKWA SISIG
SUNDAN: www.busoguenos.wixsite.com/kaintayo/single-post/2018/02/18/SIZZLING-TOKWA-SISIG-w-SESAME-SEEDS
2. CHEESE CUBES
1 - bar cheese
1 - egg
1 - cup flour
Breadcrumbs
I-cut ang cheese sa bite size cubes, ilagay sa harina, tapos sunod na ilublob sa binating itlog, at panghulinay i-roll sa bredcrumbs. Prituhin hanggang sa maging golden brown. Best served kapag may ketchup-mayo na sawsawan.
Tip: Huwag itapat sa mga cheese lovers dahil mauubos talaga 'yan ng hindi niyo namamalayan.
3. CHICKEN JAM
1Kg - Chicken Wings
1/2 Kg - Brown Sugar
2 - Itlog (binati)
3 - cups flour
Asin at paminta
Happy/Sugo peanuts
Luya
I-chop ang chicken wings sa tatlong part. Paghaluin ang itlog at harina at lagyan ng asin at paminta pampalasa. Ilagay ang chicken wings sa mixture at i-set aside muna.
Hiwain ang luya into strips at prituhin sa 2 kutsarang mantika ng 3 minuto. Ilagay ang brown sugar sa pinipritong luya at haluin ng haluin hanggang sa matunaw. Lutuin ang asukal hanggang mag-bubbles at pagkatapos ay tanggalin ang bubbles. Bantayan ang pagluto ng asukal dahil kapag napabayaan, hindi maganda ang kinahihinatnan.
Prituhin ang manok sa maraming mantika at kapag luto na ay ihalo sa tinunaw na asukal. Siguraduhing pantay ang pagkaka-coat at i-serve ito na may kasamang dinurog na Happy/Sugo peanuts. Ilayo niyo ang kanin sa mahilig sa kanin dahil kung hindi, alam niyo na.
4. CORNY-K
1 Century Tuna Hot and Spicy (Pero kung may konsiderasyon kayo sa hindi mahilig sa maanghang, plain na lang.)
Sky flakes
Boy Bawang (Plain)
Ding Dong/Happy Peanuts
Durugin ng sobra ang sky flakes at ihalo ito sa century tuna. Ilagay na rin ang boy bawang at ding dong/happy peanuts at 'yon na 'yon! May twist na, nakatipid ka pa!
5. KROPEK
1 pack besuto cracker
Prituhin ang besuto cracker ng 10 segundo sa kumukulong mantika. Madali lang 'to kaya kung nasunugan ka pa, ewan ko na lang!
Isa sa mga hindi maitatangging magandang katangian ng mga Pinoy ay ang pagiging maalagain, at makikita ito kapag may kaibigang nalasing. May mga gagawin mang kalokohan pero ang limitasyon naman ay nariyan. Dapat laging isa-isip na kapag may alak, dapat walang balak. Masarap mag-inuman kapag may biruan pero mas masarap kapag naririnig na ang malulutong na halakhakan. Pero anu't-ano pa man, ang pag-inom ay dapat kontrolado lang dahil ang lahat ng sobra ay nakasasama sa kalusugan at tandaang ang pag-inom ay maaaring magpabagal ng iyong pagkilos at pagdidisisyon, na dahilan para humina ang iyong koordinasyon. Kaya kaibigan, dapat ay chill chill lang at Tara! Go! Inuman, Fun!
by Terence Jethro P. Pabellena